top of page
Piping Mulat
Uyayi

"Bisig na duya'y paslit ang siyang kumalinga tungo sa kamalayan"
Palirit ng tinig, lamyos ng hangin
Salita’y aral, pangakong bitbit
Haplos kay init ng hatid sa akin
Simbolo’y pag-ibig, walang kapalit
O lampara, liwanag sa dilim
Pagbasa’t sulat, pabaong angkin
Kabutihan, hinasang patalim
Laban sa poot na mapag-angkin
Uyayi sa mga paslit na ligaw
Uhaw sa aruga’t kaalaman
Inay gabay sa lahat ng saklaw
Siya’y pigura ng kamalayan
Teodara, ngalan ‘di pamarisan
Tanglaw ay inang kasalukuyan

Maskara
Makatang
Paslit

"Dugo't pawis na hinasa ng sandatang pluma ang binhi ng kaalaman"
Sa nakaraa'y ihalintulad
Ang kasalukuyang kaarawan
Tayo'y babalik, hindi man hangad
Pagkukumpara'y 'di maiwasan
Sa libong libro makata'y babad
Silid-aklata'y pinagbahayan
Di bale ng kaalama'y lingad
Basta ang tanong ay masagutan
Sa ating moderno na panahon
Moderno na'rin ang pag-aaral
Matututo sa pagkakataon
Na noo'y laman lamang ng dasal
Magkaiba man may tulad parin
Yaring kalayaang habilin

Kurdapya
Pasa Ng Nakaraan

"Diskriminasyo'y bitak ng salamin sa kaban ng karunungan"
Lubos at malalim ang hinagpis
Sa bawat titik, pitpit at sakit
Sa paaralan, nahubog ang inis
Ngayon ay mulat na sa balakit
Marahil nagtataka ang lahat
Kung paano ito nalagpasan
Sa totoo, ito ay alamat
Na buong buhay ay pasan-pasan
Iwaksi itong diskriminasyon
Bagtas ng ikalawang tahanan
Totoo at ‘di imahinasyon
Pluma ay sagot sa himagsikan
Ito ang pasa ng nakaraan
Puksain sa Inang Bayan!

Tabang Hangin
Kuwaderno

"Ihip ng hangin ang layong tangay patungo sa minimithing hantungan"
Mula sa aking pinanggalingan,
Nais kong sumulat ng talaan
Talaarawan na naglalaman
Ng bawat kwento at kaalaman
Mahinahon na ugong at himig,
Nagbigay kiliti sa damdamin
Yaring yapak, hakbang ay dinig
Lugar ay salamin ng mithiin
Gintong liwanag sa alapaap
Sa aking balat ay dumadampi,
Liglig, umaapaw, anong sarap
Kultura’y higit pa sa salapi
Ala-ala’y di ko malimutan,
Sa mundong aking pinaroonan

Laon
Ambag-Aktibista

"Aktibista ng nasyon; tagapagtanggol ng karapatan ng bawat isa sa lipon"
Kinamumuhian ng lipunan
Sila ay hindi pinakikinggan
Maingay raw, panggulo sa bayan
‘Lang ambag, panay welga sa daan
Komunista, teroristang grupo
Kahit anong bansag sinasalo
Edukasyo’t mga karapatan mo
Ipinaglalaban sa gobyerno
Rizal, ‘sang bayani’t aktibista
Rebelyo’y nagpalaya sa bansa
Progresibong sulati’t mga ideya
Bumuwag sa bawat tanikala
Pagpupugay noon hanggang ngayon
Mga taga-paglaban ng nasyon

Tilamsik Pluma
Huwag Itago

"Ang sinding sa simula'y lumiyab ang tumunaw sa kandila ng paghanga"
Matamis na pagkakaibigan,
Sa pag-ibig magkakasiraan.
Halina at magbulag-bulagan
Maigi pa’y walang nakaraan.
Binasura ang pinagsamahan
Paninindigan n’ya ay bulaan
S’yang iginapos na kalayaan
Laganap ba sa kasalukuyan?
Kung ang isa ay magpaparaya
Hindi ba isa itong kandila?
Ang liwanag na siyang huwaran
Sandigan para sa inang bayan.
Ang liwanag ay huwag itago
Upang pagbabago’y di mabigo.

Tuyong Sisiw
Tinatangi

"Pag-ibig ay kapangyarihan na syang bumibihag sa perlas ng silangan"
Noong ika’y unang masilayan
Simple, morena at kakaiba
Ngiti ay kay sarap kung pagmasdan
At mukha mo’y kahali-halina
Kapara ng kahit na sino
Ikaw ay inibig nang lubusan
Wala man sa aking mga plano
Habang buhay kang poprotektahan
Ang halaga mo’y walang katumbas
Lahat sa iyo’y handang ibigay
Mapasakin ka lang hanggang wakas
Handang ialay kahit pa buhay
Mahalin ka’y isang karangalan
Patria, imahe ng sinilangan

Puting Tinta
Pulsong Palaso Para
sa Pilipino

"Ang pamamaalam ang simula ng pagbabago"
Paltok ng tila wakasang tabil
Kalabit ng sugat sa damdamin
Siklab ng umiral na hilahil
Simulang wakas, ito'y habilin
Pagpanaw sa layon at pananaw
Tikas sa namayaning bayani
Lisaning sa taas nakatanaw
Markang gumising at nabighani
Sangkalang sa aking kamalayan
Palaso sa bawat Pilipino
Wakas at bakas, ideyang laan
Layang mula sa mga ninuno
Bukas at bakas, sa'n patutungo?
Noo'y itaas, huwag itungo

bottom of page